KASALUKUYANG tinatalakay nina Jenny at Annabelle ang paksang ipipresenta sa klase. Nakaupo sila sa pang-apatang bilog na mesa ng students’ park.
“Good afternoon, girls!” bati sa kanila ni Fred, ang masugid na manliligaw ni Annabelle. Nagsa-sunbathing siguro ito noong nagsabog ng mahabang pasensiya ang Panginoon dahil kahit ilang beses na niyang inayawan ay sige pa rin sa pagsuyo.
Estudyante rin ito ng eskuwelahang iyon pero hindi sila magkaklase. Kagaya nila, nasa ikatlong taon na rin ito ng kolehiyo. Anak ito ng konsehal ng bayan na nagkataong kumpadre din ng ama ni Annabelle. Maituturing na rin niya itong kababata. May itsura naman si Fred, mabait. Iyon nga lang ay payat at hindi kataasan. Nasa one inch lang ang agwat ng taas nila. Hindi niya masyadong type ang ganoon. Mas tipo niya ang matatangkad at may katamtamang muscles. Iyong nagtataglay ng mahahaba at malalakas na brasong kaya siyang yapusin at ipagtanggol sa kung sino mang manakit sa kaniya.
‘Kaparis ng morenong sundalo.’ Pinilig ng dalaga ang ulo sa isiping iyon. Bakit ba ang taong iyon agad ang pumasok sa isip niya?
Naalala niya kung paano bumilis ang pintig ng kaniyang puso noong una nilang pagkikita, lalo na noong lumapit ito sa kanila. Naalala niya kung paano niya nahigit ang hininga kaya nauutal siyang nakipag-usap kay Manong Ben.
“Hoy, Anna!” nakangiting untag ni Fred.
“Pasensiya ka na, may iniisip lang ako. Ano ulit ang sinasabi mo?”
“Nangungumusta lang naman ako. Mukhang busy yata kayo sa reports n’yo, aalis na din ako. May meeting din kami ng . . .” tumingin ito sa relo nito, “alas-singko. Mauna na ako, mag-iingat kayo,” paalam nito.
“Sige, mag-iingat ka din,” ganti ni Jenny.
Pagkatapos nilang mag-discuss ay umuwi na rin sila ni Jenny. Naglalakad ang magkaibigan sa gilid ng daan nang may marinig na boses ng lalaking nagsalita sa ’di kalayuan.
“Hi, mga miss!” Sa nakangiting maputing sundalo ang narinig nilang boses. Kasama nito ang sundalong moreno. Kung noon ay naka-gray na T-shirt ang huli, ngayon naman ay nakaitim na pinaresan ng green na walking shorts. Nakasombrero ito na green din at nakaitim na running shoes. Sa tingin ni Annabelle ay parte iyon ng uniporme ng mga ito.
Mataman lang itong nakatingin sa kanila. Nakaramdam ng pagkaasiwa si Annabelle kaya umiwas siya ng tingin.
“Hi daw, oh,” siko ni Jenny. “Sagutin mo.”
“Dili ko! (Ayoko nga!)” piksi ng dalaga at nagpatuloy sa paglalakad.
“Pauwi na ba kayo? Hatid na namin kayo,” dagdag ng maputing sundalo.
“Anna, kausapin natin. Tulungan mo ’ko, tagalog, e. Baka maubusan ako.”
“Bahala ka, kausapin mo kung gusto mo.” At walang lingon-likod na iniwan niya si Jenny.
Narinig niyang sinagot ng kaibigan ang mga ito. “Opo, Sir, pauwi na kami, salamat po pero huwag na lang. Kaya naman namin. Iniwan na po ako ng kasama ko, ba-bye!” Pagkatapos ay humabol sa kaniya.
LUNES ng umaga, break time. Naglalakad si Annabelle sa hallway ng eskuwelahan patungong office ng amang principal. Nakalimutan siyang bigyan ni Teofilo ng baon na pera pambili ng meryenda. E, nagutom siya kaya sisingilin niya ito.
Pagkapasok niya ng main door ay napansin niyang wala ang sekretarya ng ama sa mesa. Ang mesa nito ay nakapuwesto sa labas ng pintuan ng private principal’s office.
‘Baka pumunta ng banyo?’
Dumiretso siya sa pintuan ng opisina at binuksan iyon nang hindi kumakatok. Nasorpresa siya nang makitang may bisita pala ang ama pero napapatda nang mapagtanto kung sino iyon.
“Annabelle?” nagtatakang sambit ni Tiofilo.
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Hindi niya inakalang magkikita sila ng binata nang umagang iyon at sa opisina pa talaga ng ama. Naging abnormal na naman ang salsal ng kaniyang puso. Napakatikas nito sa suot na berdeng camouflage. May nakapaloob din doon na berdeng undershirt na nasisilip niya sa bandang dibdib. Sa paa ay itim na boots. Nakaupo ito sa silyang katapat ng mesa ng ama.
Narinig niyang tumikhim ang binata kaya napapahiyang ibinaba niya ang tingin. Ramdam ni Annabelle ang pag-iinit ng kaniyang mukha. Na-i-imagine niyang nagkukulay makopa na ang mga pisngi niya, lalo na ang mga tainga. Nahuli siya nitong pinag-aaralan ang itsura nito! Napaisip tuloy siya kung aalis na lang ba nang hindi nakakahingi ng pera. Manghihiram na lang muna siya kay Jenny.
Subalit naunahan na siya ng ama. “Annabelle, ano’ng ginagawa mo rito?”
“Ahm, Papa, hihingi lang po sana ako ng . . . baon,” halos pabulong niyang sabi dahil nako-concious siya.
Nakita niyang may dumaang amusement sa mga mata ng binata sa narinig. Mas lalo siyang nakaramdam ng hiya at inis dito.
“Siya nga pala, Miguel, siya si Annabelle, ang bunso at unica hija ko. Third year na siya. Hija, magbigay galang ka kay Lt. Luis Miguel Saavedra. Siya ang isa sa mga officer ng sundalo sa kampo.”
“Good morning po, Sir,” mahinang sabi ng dalaga.
Hindi niya inasahan ang pagtayo ng sundalo at paglahad ng
isang kamay sa harap para sa isang lamano. Napatitig siya ng ilang sandali roon bago niya ito inabot. Naghatid ng bolta-boltaheng kuryente ang pagkakadaop ng kamay nila. Dumaloy iyon sa kaniyang braso at katawan dahilan upang bigla siyang bumitaw na tila napaso.
“Good morning. Nice to meet you, Annabelle,” nakangiting sagot ng binata at tumuwid ng tayo. Ang sarap sa pandinig ng baritono nitong boses na naghatid na naman ng kakaibang damdamin sa kaniya. Mas lalo siyang na-tense kaya mabilis niyang hiningi ang sadya at saka nagmamadaling lumabas.
“SIS! May chismis ako sa iyo. Mainit pa! Kasing init ng kinakain mong fishballs,” tili ni Jenny. Kasalukuyan silang nasa labas ng gate ng eskuwelahan. Natakam si Annabelle sa mga bagong lutong fishball kaya bumili siya.
“Hmn, ano na naman?” Hindi talaga nahuhuli sa balita itong best friend niya kaya gustuhin man ni Annabelle o hindi ay updated din siya sa mga pangyayari.
“Guess what?” pagsisimula ni Jenny.
“What?”
“Tutulong ang mga poging soldier natin sa security management ng eskuwelahan. So ibig sabihin, makikita at makakasama natin sila. Live na, araw-araw pa! Healthy ’yon sa mata,” tili na naman nito na may palundag-lundag pang nalalaman.
Marahil ay iyon ang pinag-usapan ng lalaki at ng papa niya kanina sa opisina.
“Ang popogi nila, ’di ba, sis? Type ko ’yong maputi. Sana kasama siya sa pupunta dito,” ani Jenny.
Pinandilatan niya ito habang nginunguya ang fishballs.
“Bakit ba? Don’t tell me hindi ka naku-cute-an sa kanila? Kahit isa sa kanila?”
“Tandaan mo ang sinabi ko, Jen.” Kinagat ni Annabelle ang huling fishball at naunang pumasok ng eskuwelahan.
“Sungit nito,” habol ni Jenny.
Noong hapon ngang iyon, pagkatapos ng flag ceremony, ay tumulong ang mga sundalo sa pag-neutralize ng traffic sa harap ng eskuwelahan. Ang iba naman ay inaalalayang makasakay ng traysikel ang mga bata.
“UUWI ang Kuya Winston at Rene mo sa Sabado, Anna. Sigurado akong na-mi-miss mo na sila,” ani Mrs. Cora. “Kaya magluluto ako ng masarap na ulam. Ano’ng request mo ngayon, mahal ko?” Pinisil ng ina ang pisngi ni Annabelle.
“Ginisang hipon, Mama!” magiliw na sagot ng dalaga. Nasa sala sila at nanonood ng TV.
“Favorite mo talaga iyan, anak, ano? Kahit pa siguro araw-arawin,” natatawang sabi ni Mrs. Cora. “O siya, sige, magluluto ako.”
“Yehey!”
Galing sa kusina ay lumabas ang ama niyang may bitbit na tasa ng tsaa. “Mang, iimbitahin ko rin iyong nakilala kong opisyal ng sundalo, si Miguel. Nagkausap kami kanina sa opisina. Gusto ko ang batang iyon. Mabait, magalang, at karespe-respetado. Magaling sa trabaho. Sigurado akong magkakasundo kami niyon.” anito.
“Oo naman, Pang. Imbitahan mo nang makilala naman namin. Malayo pa naman sa pamilya nila ang mga batang iyon. Mabuti na iyong mapalapit din sila sa mga tao rito.”
Buhat sa narinig ay napukaw na naman ang damdaming pilit binabalewala ni Annabelle para sa binata. Hindi maaari iyon. Kagaya ng sinasabi niya kay Jenny, iiwasan niya ang mapalapit, lalo na ang mahulog sa isang taga-Maynila. Isa ring dahilan ay ang malaking agwat nila sa isa’t isa. Bata pa siya, hindi pa nga siya tumatanggap ng manliligaw. Pero bakit sa tuwing makikita niya ang sundalong iyon, may napupukaw itong damdaming hindi niya kayang isalarawan.
Nang gabing iyon, nakatulog si Annabelle na iniisip kung ano ang kahihinatnan ng hapunan ng pamilya niya sa Sabado kasama ang magiging bisita.
SABADO. Tahimik na kumakain si Annabelle. Asiwang-asiwa na siya sa presensiya ng bisita. Bakit ba siya nagkakaganito? Bakit apektadong-apektado siya? Wala naman itong ginagawa maliban sa pagsulyap-sulyap nito minsan sa kaniya.
“Annabelle, may sakit ka ba?” tanong sa kaniya ng Kuya Winston niya, ang panganay. “Bakit ang kokonti ng subo mo?”
“Oo nga, hija, may dinaramdam ka ba?” dugtong ng ina niya. “Paborito mo iyang ulam, pero bakit hindi ka masyadong kumakain?”
“Okay lang ako, Mama.” Ngumiti siya nang bahagya para ipakita sa kanilang mabuti ang pakiramdam niya.
Pagkatapos nilang maghapunan, hinayaan ng mga ito na magpahangin sa labas si Annabelle. Pakiramdam niya ay tila naging masikip ang loob ng bahay at kailangan niyang makalanghap ng sariwang hangin.
May pandalawahang bench sila sa labas ng bahay sa ilalim ng neam tree. Ito ang paborito niyang tambayan, lalo na kapag may iniisip o kung gusto niya lang mapag-isa. Umupo siya roon, nakayukong tinitigan ang mga paang nilalaro ang tuyong dahon. Hindi niya namalayan ang paglapit ng isang tao sa tabi.
Napatalon siya sa kinauupuan sa gulat nang makarinig ng pagtikhim ng baritonong boses sa gilid. Tuloy nadulas ang puwet niya at tuluyang napadausdos sa inuupuan. Hinintay niyang lumapat ang pang-upo sa lupa ngunit maagap siyang nahawakan ng mga malalakas na braso ng may-ari ng boses na iyon.
‘Miguel’
“Nasaktan ka ba?” nag-aalalang tanong nito. “Sorry kung nagulat kita.”
“Bakit ka ba kasi sumusulpot bigla?” inis na sabi ng dalaga upang hindi mahalata ang pagkapahiya. Inayos niya ang damit at bumalik sa pagkakaupo, nagpapasalamat na hindi masyadong maliwanag ang bahaging iyon dahil kung hindi ay siguradong mapapansin nito ang pamumula ng mukha niya.
“Gusto lang sana kitang kumustahin? Ang tahimik mo kasi simula kanina.”
“Okay lang ako.”
“Sigurado ka?”
“Oo nga. Kulit nito,” pagsusuplada niya dahil hindi na niya alam kung ano ang dapat ikilos. Naririnig niya na ang tibok ng kaniyang puso.
Bumuntonghininga ito. “Mabuti naman. Nag-alala ako.”
Buhat sa narinig ay napatingin siya sa mga mata nito. Gusto niyang alamin kung sincere ito sa sinabi. Ngunit isang maling desisyon ang ginawa niya, dahil ang simpleng tingin ay nauwi sa titig.
NAPAKAINOSENTE ng mga bilugang mata ni Annabelle. Kita niya ang mahahaba nitong pilik-mata sa malamlam na ilaw na nagmumula sa loob ng bahay. May naglalaro na ilang hibla ng buhok sa makikinis at mapuputi nitong pisngi na parang kay lambot haplusin. Dahan-dahan niyang itinaas ang kamay sa mukha nito, tila natatakot na sa isang maling kilos ay biglang maglaho ang kagandahang nasa harapan. Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok nito patalikod sabay haplos sa pisngi. Napapikit si Annabelle at bahagya pang inilapit ang pisngi sa kamay ni Miguel. Nakaramdam ang binata ng pagsikip ng dibdib. Nakakadarang ang damdaming umuusbong doon. Kaya bago pa siya makagawa ng bagay na pagsisisihan ay bigla siyang tumikhim at lumayo rito.
“Lumalamig na, Annabelle. Mas mabuting pumasok na tayo sa loob,” walang emosyon niyang sabi at naunang naglakad papasok ng bahay.